‎Nasa ikatlong araw na ng pamamahagi ng P3,000 social pension para sa mga senior citizen sa Dagupan.

Ito’y bahagi ng regular na ayudang pinansyal para sa mga nakatatanda na walang sapat na kita o suporta mula sa pamilya.

‎Sa pangunguna ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines – Dagupan, katuwang ang Office of the Senior Citizens Affairs at City Treasury Office, sinigurong maayos at tuluy-tuloy ang distribusyon ng ayuda para sa ikatlong quarter ng taon na sumasaklaw sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.

‎Hindi nagkaroon ng aberya sa proseso ng pamamahagi isang bagay na ikinatuwa ng maraming benepisyaryo. Pinuri ng ilang residente ang mabilis na koordinasyon mula sa Sangguniang Panlungsod, sa pamumuno ni Vice Mayor BK at ng mga konsehal na tumutok sa maayos na implementasyon ng programa.

‎Ang halagang P3,000 ay malaking tulong para sa mga senior citizen, lalo na sa mga walang kinikita o inaasahang suporta. Kalakip ng tulong na ito ang pag-asang mas mapagaan ang araw-araw na gastusin sa pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan.

‎Ang naturang programa ay bahagi ng Social Pension for Indigent Senior Citizens na inilalatag ng Department of Social Welfare and Development at ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan.