Umaabot sa P24 bilyon ang kinakailangang pondo para sa kumpletong pagpapatupad ng flood control project sa lungsod ng Dagupan at Central Pangasinan.

Ayon kay DPWH Region 1 Regional Director Ronnel Tan, malawak pa ang saklaw ng mga kailangang gawin sa ilalim ng kabuuang plano ng proyekto, kabilang na rito ang pagtatayo ng diversion channel.

Sa ngayon, mula sa kabuuang P24 bilyon na kinakailangan, P3 bilyon pa lamang ang naipapalabas na pondo.

--Ads--

Sa Dagupan, natapos na ng DPWH ang ilang bahagi ng proyekto, partikular sa Bacayao Norte sa kahabaan ng Sinucalan River. Gayunman, may bahagi pa rin ng lugar na binabaha dahil may “gap” o puwang na siyang dinaraanan pa rin ng tubig.

Ipinaliwanag ni Director Tan na hangga’t hindi lubusang nasasarhan ang buong ilog, ay patuloy pa ring magkakaroon ng daluyan ng tubig na maaaring magdulot ng pagbaha.

Dagdag pa niya, marami pang kailangang gawin sa Bacayao Sur, at may bahagi rin ng proyekto na nakatakdang isagawa sa Barangay Herrero.

Samantala, nakipag-ugnayan na rin sa DPWH ang kapitan ng barangay sa lugar at humiling na isama sa proyekto ang ilang bahagi ng kanilang nasasakupan dahil dito umano pumapasok ang tubig baha.

Gayunman, nilinaw ni Tan na kahit matapos ang lahat ng flood control projects, hindi ito nangangahulugang tuluyan nang mawawala ang pagbaha.

Aniya, patuloy ang pagdami ng populasyon, pagdami ng mga ipinapatayong bahay, at may mga lupaing tinatambakan, kaya’t may posibilidad pa rin ng pagbaha sa hinaharap.