Inaasahan umanong aabot sa P23 bilyon ang kabuuang lugi ng mga magsasaka ngayong anihan.

Ayon kay Angel Cabatbat chairman ng Magsasaka Partylist, nalugi na rin ang sektor sa nakaraang cropping season dahil sa sunod-sunod na kalamidad.

Bagama’t mataas ang produksyon sa mga naunang buwan, marami ang nasira dahil sa bagyo at pagbaha.

--Ads--

Huli na rin umano ang pagban sa rice importation dahil kasalukuyan o tapos na ang anihan. Karamihan sa mga magsasaka ay naibenta na ang kanilang ani sa mga trader, kaya wala na halos palay o bigas sa kanilang mga bodega.

Babala ni Cabatbat, maaaring gamitin ng mga trader ang import ban para itaas pa ang presyo ng bigas.

At kahit pansamantalang na-ban ang importasyon, walang limitasyon sa oras na muling payagan ito. Kapag ibinalik ang rice importation, tiyak na dagsa muli ang mga inaangkat na bigas.

Dagdag pa niya, hindi rin maaaring bumili ang National Food Authority mula sa mga lokal na magsasaka dahil puno pa umano ang kanilang mga warehouse na may nakaimbak pang bigas ilan dito ay nanganganib nang masira.

Hindi rin makakabenta ang NFA hangga’t walang idinedeklarang emergency.