DAGUPAN CITY- Ikinadismaya ni Julius Cainglet, ang Vice President ng Federation of Free Workers, ang di umano’y lumang tugtugin ng pamahalaan hinggil sa karagdagang sahod para sa mga manggagawa.
Sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, matagal na nilang ipinapanawagan ang naging pahayag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro hinggil sa P200 legislated wage hike at ang pagrepaso ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
Aniya, hanggang sa ngayon ay barya-barya lamang ang natatanggap ng mga manggagawa sa tuwing nagkakaroon ng pagtaas sa kanilang sahod.
Nagkakaroon lamang ng diskriminasyon sa mga manggagawa dahil sa hindi pantay na minimum wage sa pagitan ng Metro Manila at mga probinsya dulot ng ‘regional wage setting mechanism’.
Kaugnay nito, hindi rin naman nagkakalayo ang ‘cost of living’ sa nasabing mga lugar.
Narinig na rin sa mahabang serye ng mga pagdinig ang panig ng mga employers at mga empleyado, maging mga ekonomista, subalit hindi pa rin ramdam ng mga manggagawa ang patuloy na sinasabing paglaki ng ekonomiya sa bansa.
Gayunpaman, hirap pa rin isabatas ang kanilang hinihinging P200 wage hike kahit wala pa ito sa 30% ng naging pagtaas ng sahod noong 1989.
Samantala, kinakausap na ng kanilang pederasyon ang Tribunal Congress of the Philippines, at ilang mga grupo ng mga manggagawa upang ipanawagan ang sigaw ng National Wage Coalition at agarang masertipikahan ang nasabing taas-sahod.
Naniniwala naman sa Cainglet na mabibigyan ng panahon ang pagpasa sa kanilang kahilingan sa pagpapatuloy ng kongreso, matapos ang halalan.
Sa kabilang dako, umaapela naman ang Federation of Free Workers sa mga employers na ibigay ang tama at tapat na sahod para sa mga manggagawa ngayong may mga holidays.
Kung pumasok sa holiday ang kanilang empleyado ay dapat doble ang sahod nito habang triple naman kung pumasok ito sa araw ng kaniyang restday at sinabayan pa ng holiday.