Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pamasahe, muling isinusulong ng mga labor groups at ilang mambabatas ang panukalang ₱200 wage hike para sa mga manggagawa.
Ayon kay Atty Sony Matula President Federation of Free Workers, ito ay isang agarang tugon sa napakababang sahod na halos hindi na sapat sa pang-araw-araw na gastusin.
Sa kasalukuyan, malaking bahagi ng kita ng mga manggagawa ang napupunta sa pamasahe at iba pang pangunahing pangangailangan, kaya’t lalo silang nababaon sa hirap.
Kasabay nito, binigyang-pansin din niya ang usapin ng International Labour Organization (ILO) compliance ng bansa, partikular sa mga isyu ng child labor at platform economy.
Bagaman hindi isinailalim ang Pilipinas sa masusing examination ng ILO noong nakaraang taon, aminado ang mga opisyal na nananatiling problema sa bansa ang child labor, lalo na sa mga pabrika at informal sectors.
Sa panig naman ng ILO, isinusulong ang pagbuo ng internasyonal na pamantayan para sa platform economy kasama rito ang mga online businesses at paggamit ng AI.
Layunin nitong gawing pormal ang mga impormal na sektor, at tiyakin ang proteksyon sa mga manggagawa sa bagong digital na ekonomiya.
Samantala, isinasaalang-alang muli ng ilang mambabatas ang muling pagsasampa ng panukalang batas para sa wage hike, kasunod ng mga assessment at rekomendasyon mula sa mga sektor ng paggawa.
Anila, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga manggagawa dahil may pagkakataon pa upang maisulong at maipasa ang batas na magbibigay ng makabuluhang dagdag-sahod.
Ipinunto rin niya na hindi dapat pinababayaan ang karapatan sa collective bargaining upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng interes ng mga employer at manggagawa.