DAGUPAN CITY- Isang “welcome development” para sa mga magsasaka ng Guimba, Nueva Ecija ang pagtupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pangako nitong P20/kilo na bigas matapos ang 3 taon.
Matatandaan na matapos ang close-door meeting ni Pangulong Marcos Jr. sa 12 Visayas governors sa Cebu Capitol ay inanunsyo ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagsisimula ng impelemntasyon ng P20 kada kilo na bigas sa Visayas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodel Cabuyaban, magsasaka sa nasabing lugar, malaking tulong din ito para sa kanila dahil bumibili rin sila ng bigas matapos ibenta ang lahat ng kanilang palay upang may maibayad sa mga utang.
Aniya, hindi ito ikalulugi ng mga magsasaka dahil ‘subsidized’ ito ng pamahalaan at manggagaling sa National Food Authority (NFA) ang mga bigas na ibinebenta.
Nangangahulugan lamang ito na binibili ng gobyerno ang kanilang palay sa magandang presyo.
Batay din sa nakausap na eksperto ni Cabuyaban, hindi ito makakaapekto sa iba pang mga negosyante o ang mga nagbebenta rin ng bigas sa merkado dahil hindi naman kakayanin ng pamahalaan na magbenta ng bigas na sakop ang kabuoang pangangailangan ng bawat Pilipino sa halagang P20. Maliban pa riyan, nakikita nilang pili lang din ang mabebentahan nito, katulad na lamang sa mga tunay na nangangailangan lamang.
Gayunpaman, mas kakayanin nito na maibigay ang pangangailangan ng bansa kumpara sa pagbibigay ng ayuda.
At magiging long term ito kung maliban sa stocks ng NFA, at bibili ng palay ang pamahalaan mula sa trader at magsasaka at magiging subsidized ito. Maaaari lamang abutin ito ng 2 linggo kung aasa lang ang gobyerno sa 5% na binili ng NFA sa mga magsasaka.
Saad ni Cabuyaban, kailangan naman itong bantayan sa oras na umarangkada na upang maiwasan ang mga mananamantala.
Naniniwala naman siya na sa tamang implemenyasyon ay kaya nito abutin ang Luzon at Mindanao at hindi lamang sa Visayas.
Hiling lamang niya na magtuloy-tuloy ito at makahanap ang gobyerno ng sapat na pagkukuhanan ng pondo para dito.
Samantala, ibinahagi rin ni Cabuyaban na kasalukuyan ay may pagbuti sa presyo ng bigas sa Nueva Ecija.
Ito ay ang bunga sa tuloy-tuloy na pagtutulungan ng mga magsasaka sa kanilang probinsya.