DAGUPAN CITY- Sinimulan na ang isa na namang mahalagang proyekto sa Barangay Lasip, sa bayan ng Calasiao.

Ito ang paggawa ng farm-to-market road na layuning pagaanin ang biyahe ng mga residente at mga dumadaan sa lugar.

Ayon sa Punong Barangay na si Dante Fernandez, ang proyektong ito ay bahagi ng kabuuang ₱400 milyong pondo na inilaan para sa iba’t ibang barangay sa distrito, kung saan nakatanggap ang Brgy. Lasip ng ₱10 milyon.

--Ads--

Ang proyekto ay opisyal na inumpisahan sa bahagi ng Brgy. San Vicente at kasalukuyan nang nakahanda ang mga kagamitan para sa konstruksiyon.

Isa ito sa mga malaking inisyatibo na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng Calasiao sa ilalim ng Municipal Planning and Development Office (MPDC).

Dagdag pa ni Fernandez, ang resolusyon at proposal para sa proyekto ay ipinasa pa noong 2024 at pinagtibay ng MPDC.

Aniya, hindi lamang ang Barangay Lasip ang makikinabang sa bagong kalsada, kundi maging ang mga karatig-barangay at mga motorista na madalas dumaraan sa nasabing lugar.

Patuloy ang pagmonitor sa proyekto upang matiyak ang maayos at mabilis na implementasyon nito.