Ipinahayag ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang pasasalamat sa pag-apruba ng dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan, na nakatakdang ipatupad simula Setyembre 28.

Ayon kay ACTO President Liberty de Luna, malaking tulong sa mga tsuper at operator ang dagdag na piso sa minimum fare, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang gastusin sa operasyon.

Aniya, matagal nang hinihiling ng sektor ng transportasyon ang dagdag-pasahe, ngunit dumaan pa ito sa pagsusuri ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr), dahil kailangang timbangin ang kapakanan ng mga operator at ng mga pasahero.

Batay sa inilahad ni De Luna, magkakaroon ng P1 increase sa minimum fare para sa mga tradisyunal na public utility jeepney (PUJ), habang may kaukulang dagdag sa succeeding kilometers.

Para naman sa modernized PUJ, sinabi niyang magiging P17 ang minimum fare, na may P2.50 dagdag sa bawat succeeding kilometer.

Binanggit din niya ang mga pagbabago sa pasahe ng taxi.

Ayon kay De Luna, magiging P65 ang flag-down rate ng mga taxi na sakop ng naturang fare adjustment, habang may iba pang taxi na may kasalukuyang flag-down rates na P80 at P95.

Nagpaabot din ng pasasalamat si De Luna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin sa DOTr at LTFRB, dahil aniya ay isinasaalang-alang ng pamahalaan ang kalagayan ng transport sector.

Ayon sa kanya, dagdag na pasanin sa mga operator at tsuper ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, bukod pa sa epekto ng mga bagyo at pagbaha sa kanilang kabuhayan.

Kasabay nito, binanggit ni De Luna ang P20,000 amortization assistance bawat unit na aniya ay makatutulong sa mga operator sa pagbabayad ng kanilang mga utang sa bangko para sa kanilang mga sasakyan.