Inilapit ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region I ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), kanilang pamilya at mga naghahangad magtrabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng OWWA Region I Serbisyo Caravan na isinagawa ngayong Agosto 27, 2026 sa Ramon V. Guico Sr. Sports and Civic Center, Binalonan, Pangasinan.
Ayon kay Dir. Marivic L. Mondina, Regional Director ng OWWA Region I, nakasentro ang caravan sa Alagang OWWA: OFW Welfare, Health and Membership Services na naglalayong ilapit mismo sa komunidad ang mga serbisyong kinakailangan ng OFWs at kanilang pamilya.
Pinili ang Binalonan bilang lugar ng caravan dahil sa dami ng mga residente rito na may karanasan bilang OFW, may kapamilyang nagtatrabaho sa ibang bansa o naghahangad na makapagtrabaho overseas. Bahagi rin ng layunin ng OWWA ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga OFW at kanilang pamilya, kabilang ang pagtatatag at pagpapalakas ng OFW Family Circle sa bayan.
Binigyang-diin ni Mondina na mahalaga ang kaalaman ng mga OFW tungkol sa kanilang mga karapatan, benepisyo at oportunidad. Sa pamamagitan ng caravan, nagkaroon sila ng pagkakataong direktang makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya nang hindi na kinakailangang magpunta sa magkakahiwalay na tanggapan.
Kabilang sa mga serbisyong inilapit sa iisang lugar ang mga kaugnay sa welfare, health, membership, employment at livelihood, kasama ang mga serbisyo mula sa iba pang government agencies at partner institutions. Hinikayat din ang mga kalahok na gamitin ang kanilang OFW Serbisyo Pass at kumpletuhin ang mga estasyon upang masulit ang mga serbisyong available sa caravan.










