Dagupan City – Hindi nakikitaan ng terrorist attack ang insidente ng overshoot landing ng isang cargo plane sa Miami na ikinasawi ng 5 katao.

Ayon kay Bombo International Correspondent Marissa Pascual, lumagpas ng tinatayang 1,300 feet sa runway ang eroplano bago sumalpok sa mga nakaparadang sasakyan.

Kung kaya’t naging malakas umano ang hangin sa lugar dahil sa paparating na bagyo, na siyang nakikitang nakaapekto sa paglapag ng eroplano.

Paliwanag ni Pascual, kung malaki na ang bahagi ng runway na nalampasan ng eroplano nang hindi pa rin ito tuluyang nakalapag, dapat umanong itigil ng mga piloto ang landing attempt at muling umikot upang subukang lumapag.

Kaugnay nito tinitingnan naman ng mga awtoridad ang posibilidad na may naging problema o pagkakamali sa proseso ng paglapag ng eroplano.

Narekober na rin ang black box ng cargo plane at ipadadala sa Washington upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.

Samantala, umabot sa 600 flights ang nakansela at 300 naman ang na-delay kasunod ng pagsasara ng dalawang runway ng Miami International Airport dahil sa aksidente.

Nangyari ang insidente kasabay ng pagdagsa ng mga biyahero para sa Labor Day holiday sa Estados Unidos.