DAGUPAN CITY- Nakikita ng Kontra Daya na hindi naging matagumpay ang Overseas Voting dahil sa hirap na pinagdaanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Ayon kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, maraming mga OFW sa iba’t ibang bansa ang nagpapadala sa kanilang tanggapan ng reklamo hinggil sa pahirapang registration.
Kung magtagumpay man at magawang makaboto, hindi naman makita ng mga botante kung eksaktong mga pangalan ng kanilang ibinoto ang nabasa ng makina o hindi.
Gayunpaman, naniniwala si Arao na alam din ng mga OFW sa mga alituntunin, partikular na sa May 12 pa nila makikita ang kumpirmasyon ng kanilang mga ibinoto.
Maliban pa riyan, mayroon din privacy issues ito dahil may ilang bansa na nakikita lamang sa internet ang mga pangalan ng mga registered voters.
Sinabi pa niya, maliban sa internet voting ang isagawa sa overseas ay dapat lamang magkaroon din ng manual voting para sa mga hindi maalam sa teknolohiya.
Samantala, nananawagan naman ang Kontra Daya sa Commission on Elections (Comelec) na i-extend pa sa May 11 ang voter’s registration sa Overseas dahil sa kasalukyan, nakatakda itong magtapos sa May 7.
Dapat aniya na magkaroon din ng manual counting upang matiyak na tugma ang bilang na ilalabas na resulta ng mga boto mula sa Automated Counting Machine (ACM).