Bumalot ang makapal na orange haze sa ilang bahagi ng Estados Unidos dulot ng usok mula sa malawakang wildfire sa Canada, na nagdulot ng mapanganib na antas ng polusyon sa hangin.

Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, napakadelikado na ng sitwasyon dahil umaabot na sa Estados Unidos ang makapal na usok mula sa daan-daang wildfire sa Canada.

Sinabi ni Pascual na umabot na sa mahigit 800 ang Air Quality Index (AQI) sa ilang lugar, isang antas na itinuturing na “deadly” o lubhang mapanganib sa kalusugan.

--Ads--

Dahil dito, nagbabala ang mga awtoridad sa publiko na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan hangga’t maaari upang maiwasan ang paglanghap ng maruming hangin.

Nauna nang naitala sa Detroit ang pinakamataas na antas ng polusyon sa hangin sa buong mundo matapos umabot sa 600 ang Air Quality Index (AQI) noong Huwebes—doble sa antas na itinuturing na “hazardous” ng U.S. Environmental Protection Agency (EPA).

Samantala, ayon pa kay Pascual, nakipag-ugnayan na ang pamahalaan ng Estados Unidos sa Punong Ministro ng Canada upang alamin ang mga hakbang na ginagawa ng bansa sa pagtugon sa malawakang wildfire at upang mapigilan ang patuloy na paglala ng epekto nito sa kapaligiran at kalusugan ng publiko.