Dagupan City – Ipinaliwanag at binigyang diin ng Department of Health Rehion I ang kahalagahan ng masusing pangangalaga sa Oral Health.

Ayon kay Dr. Mark Mina, Dentist III Family Health Unit ng Department of Health (DOH) – Region I, ang oral health o pangangalaga sa bibig ay hindi lamang tungkol sa mga ngipin at gilagid kundi pati na rin sa labi at iba pang nakapaligid na istruktura ng bibig.

Sa ilalim umano ng bisa ng Philippine Dental Act of 2007 (RA 9484), itinakda ang mga pamantayan sa pangangalaga ng oral health sa bansa.

--Ads--

Dito ipinapaliwanag ni Dr. Mina na ang isang dentista ay may tatlong pangunahing layunin sa pangangalaga ng bibig: Una ay ang Biologic Requirement – dapat na malusog at walang sakit ang bunganga. Pangalawa ay ang Mechanical Requirement – Kailangang functional at kumpleto ang ngipin upang maiwasan ang problema sa pagnguya at panunaw. At ang pangatlo ay ang Aesthetic and Health Impact – Ang pagkakaroon ng malinis at kumpletong ngipin ay hindi lamang mahalaga sa kalusugan kundi pati na rin sa mental well-being ng isang tao.

Aniya, ang mabahong hininga at di-maayos na ngipin ay maaaring makasira ng tiwala sa sarili. Dagdag pa niya, mahalga rin na kumpleot ang ngipin ng isang tao partikular na ang nasa harapan, dahil mayroon itong mahalagang papel sa pagsala ng bacteria na pumapasok sa bibig.

Kung kaya’t kapag hindi maayos aniya ang oral health, maaaring magkaroon ng impeksyon at iba pang komplikasyon sa katawan.

Hindi rin sapat aniya ang regular na pagsesepilyo at paggamit ng dental floss dahil may mga bahagi ng bibig na hindi nito naaabot. Kung kaya’t mahalaga pa rin aniya ang pagpapatingin sa dental professionals’ ng regular upang masuri kung may problema sa ngipin, kabilang na ang posibilidad ng oral cancer.