Inilunsad sa bayan ng San Nicolas ang Oplan Semana Santa bilang pagiging handa sa papalapit na paggunita ng mahal na araw.
Nagsagawa ang bayan sa pamumuno ng kanilang alkalde ng isang pagpupulong na dinaluham ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), mga opisyal ng barangay, force multipliers, volunteer groups, at simbahan upang magplano sa nasabing okasyon.
Layunin ng paghahanda na matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga deboto at turista sa panahon ng Mahal na Araw.
Inaasahan dito ang pagdagsa ng mga deboto sa mga simbahan, habang inaasahan din ang pagdagsa ng mga turista sa mga kilalang pasyalan tulad ng Agpay Eco Park, Puyao Picnic Grounds, at ang Malico, na tinagurian ding summer capital ng Pangasinan.
Saklaw ng Oplan Semana Santa ang pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad, pagbibigay ng tulong medikal, at pagtiyak ng kalinisan at kaayusan sa mga pampublikong lugar.
Magkakaroon din dito ng masusing koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensiya upang mabilis na matugunan ang anumang pangangailangan.