Nasa mahigit 1 buwan nang nananatili sa Barangay Caranglaan ang opisina ng Dagupan City Police Station 2 matapos pansamantalang inilipat dahil sa nararanasang pagbaha sa Barangay Mayombo.
Lumipat sila dahil hindi na maganda ang kondisyon ng kanilang dating himpilan na nangangailangan ng pagkukumpuni dahil maraming nasira at nalubog sa baha dulot ng naranasang tuloy-tuloy na pag-ulan at high tide sa nakalipas na buwan.
Ayon kay Barangay Caranglaan Captain Gregorio Claveria Jr., pinahiram nila ang kanilang SK room at library building upang magsilbing pansamantalang lugar ng mga pulis habang nagpapatuloy ang kanilang serbisyo sa komunidad.
Ipinaliwanag ni Kap. Claveria na kinakailangan nang ma-repair ang dating gusali ng Police Station 2 dahil sa mababang kondisyon nito.
Dahil dito, inilipat na rin sa Barangay Caranglaan ang mga kagamitan ng himpilan, at dito na rin pansamantalang nanunuluyan ang mga police personnel.
Sakop ng Police Station 2 ang mga barangay ng Caranglaan, Bacayao Sur, Bacayao Norte, Mayombo at Lasip Chico.
Kaugnay nito, nanawagan si Kap. Claveria sa mga residente ng mga nasabing lugar na nangangailangan ng tulong ng pulisya na maaari nang direktang magtungo sa pansamantalang lokasyon ng Police Station 2 sa Barangay Caranglaan.
Ayon sa opisyal, bukas ang kanilang barangay sa mga mamamayang nangangailangan ng serbisyo at tulong ng mga pulis habang hindi pa nagagamit ang dating himpilan.










