Dagupan City – Nagsimula na ang Operation Baklas sa Lungsod ng Dagupan bilang bahagi ng paghahanda para sa darating na 2025 local at national election.

Ang operasyon ay nakatutok sa mga ilegal na materyales sa pangangampanya at nauna na ngang pinuntahan ay ang bahagi ng barangay tulad ng Lucao, Tapuac, Caranglaan, at Mayombo, na umabot na agad sa isang truck ng mga inalis na poster at materyales.

Ayon kay Atty. Ericson Oganiza, Provincial Election Supervisor, ang mandatong ito ay sa ilalim ng Commission on Elections (COMELEC) kung kaya’t mahalaga aniyang sundin ang mga pamantayan ng COMELEC tulad ng mga itinalagang lugar para sa pagpapaskil at mga sukat ng materyales upang maiwasan ang paglabag sa mga regulasyon.

--Ads--

Sa ilalim ng Oplan Baklas, ang mga campaign materials na ipinaskil sa mga hindi pinapayagang lugar tulad ng mga pribadong ari-arian nang walang pahintulot, mga imprastruktura tulad ng mga poste ng kuryente at mga puno, at mga lugar na hindi itinalaga bilang “common poster areas” ay itinuturing na ilegal.

Gayundin, ang mga materyales na lumalabag sa itinakdang sukat.

Samantala, hinikayat naman nito ang mga lokal na kandidato na magkakaroon ng pagkakataon na tanggalin na ang kanilang mga campaign materials na nakapaskil sa maling lugar bago pa man magsimula ang mga operasyon sa Marso 28, kung saan magiging opsyonal para sa kanila na mismong alisin ang mga materyales.

Dahil sa inisyatibang ito aniya, maipaakita nila ang kanilang pagiging isang lider.