Dagupan City – Umabot sa 109 na mga indibidwal na sangkot sa iligal na droga ang naaresto ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa buong buwan ng enero ngayong taon.

Ayon kay PCpt. Noime Gogotano, Public Information Officer ng nasabing opisina, nakuha ang datos mula sa pagsasagawa nila ng kabuuang 54 na buy-bust operations habang 13 ang nahuli sa anti-criminality operations, 3 sa search warrant operations, at 4 na warrant of arrest operations.

Aniya na nakumpiska sa mga ito ang nasa tinatayang 350 gramo ng iligal na droga, na may halagang P2,134,314.

--Ads--

Saad nito na pitong munisipalidad pa lamang ang naidedeklara na “drug-cleared” mula sa 27 bayan at 5 lungsod ng lalawigan na kinabibilangan ng Bayan ng Rizal, Gabaldon, Cuyapo, Quezon, Laur, Nampicuan, at Licab.

Kasalukuyan naman na aniyang may nakalinya na at inihahanda na ng ilang mga bayan o lungsod ang mga kakailanganing dokumento sa Philippine Drug Enforcement Agency para mailakad ang mga papeles ng mga ito para sa deklarasyon sa pagiging drug cleared.

Sa kabilang banda, ibinahagi naman nito na ang pinakamalaking operasyon na nangyari sa buwan ng Enero ay ang operasyon na isinagawa ng kapulisan sa bayan ng Jaen kung saan nahuli ang isang indibidwal na may dala ng 115 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P782,000.

Binigyang diin naman nito na wala namang na-momonitor ang kanilang mga intel operative na drug manufacturing sites sa buong probinsya dahil ang dami ng nakumpiskang illigal na droga ay ang pinagsama-samang bilang ng mga naging operasyon nila sa nakalipas na buwan lamang.

Dahil dito, patuloy parin ang pagpapa-igting ng kanilang hanay sa mga operasyon sa buong probinsya upang mabawasan ang bilang ng mga gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga sa lalawigan.