Arestado ang isang online scammer sa isang entrapment operation sa Bulacan matapos na magsumbong isang 16-anyos na lalaki sa mga otoridad.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng bombo radyo Dagupan, tinangka ng 20- anyos na suspect na si Julius Angelo Mondragon na kikilan ng P400,000 ang menor de edad.
Nagpakilala umano si Mondragon bilang babae at nagpadala ng nude photos o mga hubad na larawan sa biktima sa pamamagaitan ng social media. Niyaya rin niya ang biktima na padalhan siya ng hubad na larawan sa kanya.
Makaraan ang ilang araw, isang lalaki naman na nagpakilalang nakatatandang kapatid ng ng umanoy chatmate ng biktima ang tumawag sa kanya at binalaan na sasampahan ito ng kaso sa korte dahil sa kanyang ginawa kapag hindi ito makapagbigay ng P400,000.
Dahil sa takot, napilitan umano ang biktima na isangla ang ilang alahas ng kanyang mga magulang. Gayunman, nagawa pa rin niyang humingi ng tulong sa mga pulis.
Sa ngayon ang suspek ay nahaharap sa kasong robbery extortion, child abuse, at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
Dahil sa pangyayari, binalaan ng mga otoridad ang publiko na mag ingat sa pakikipag-usap sa ibang netizens sa social media, lalo na doon sa mga humihingi ng larawan.