Malapit nang matupad ang pangarap ng mga taga-Manaoag sa isang moderno at organisadong palengke dahil 84% nang kumpleto sa construction ang One Manaoag Public Market.

Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang magsimula ang proyekto, na naglalayong magkaroon ng maayos, malinis, organisado, at may parking area na palengke.

Layunin ng bagong palengke na i-promote ang mga produkto ng Manaoag at Pangasinan sa dumaraming bisita ng bayan.

--Ads--

Aniya na sa datos ng Department of Tourism, halos 8 milyong bisita ang pumupunta sa Manaoag kada taon, kaya inaasahan na ang palengke ay magiging sentro ng komersyo.

Dagdag pa niya, karamihan sa mga bisita sa Manaoag ay Pilipino na naghahanap ng mga masasarap na pagkain at pwedeng i-uwi, kaya ang Manaoag ay isang magandang lugar para i-promote ang mga produkto at iba pang atraksyon ng buong Pangasinan.

Dahil dito, gusto ng lokal na pamahalaan na maging maayos at patas ang paglilipat ng mga vendors.

Saad pa ng alkalde, pagmamay-ari ng munisipyo ang mga stalls sa palengke, hindi ng pribadong tao kung saan maituturing na ang public market ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng income ng lokal na pamahalaan, kaya mahalaga na palakasin ang ekonomiya ng bayan.

Samantala, ayon naman kay Foreman Marcial Mamaratlo, tapos na ang Building B (wet section) at kasalukuyan silang nagtatrabaho sa Building A (dry section) na mayroong dalawang palapag.

Mayroon itong 86 na trabahador na nagtutulungan upang matapos agad ang proyekto.

Ipinagmalaki rin niya na maganda ang magiging itsura ng palengke dahil mayroon itong elevator, escalator, maluwag na espasyo, at parking area.

Inaasahan na sa kalagitnaan ng 2026 ay mabubuksan na ang bagong palengke para mapakinabangan na ng mga residente sa bayan at ng buong lalawigan.