Dagupan City – Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan 2nd District Engineering Office na inaasahang matatapos na ngayong taon ang konstruksyon ng One Bonuan Pavilion Tourism sa Dagupan City.

Matatagpuan ito sa Barangay Bonuan Binloc, malapit sa dalampasigan, at inaasahang magpapalakas sa turismo ng lungsod at magbibigay ng mga oportunidad sa mga residente at stakeholders sa tatlong barangay na kabilang sa One Bonuan gaya ng Gueset, Binloc, at Boquig.

Bahagi ang proyektong ito sa Tondaligan Blue Beach Tourism and Development Project ng lokal na pamahalaan.

--Ads--

Matatandaan na kamakailan lamang ay pinangunahan ni Sen. Risa Hontiveros ang ribbon-cutting ceremony para sa natapos nang Building 1 dahil ang senadora ang ang naglaan ng pondo para sa proyektong ito na aabot sa 80 milyon pesos.

Sa ngayon kasalukuyan nang isinasagawa ang kaugnay pang konstruksyon ng Tourism Pavilion Commercial Building II, kasama na ang pagbubukas ng mga leisure at sports activities sa tulong ng mga kasosyo.

Ayon kay Engr. Editha Manuel ng DPWH Pangasinan 2nd District Engineering Office, may tatlong phase ang proyekto kung saan ang Phase 1 ay pagpapatayo ng City Pavilion na may pondo na ₱20 milyon, sa Phase 2 ay ang pagkumpleto ng Building 1 at pagsisimula ng Commercial Bldg. II na may pondong ₱30 milyon sa Phase 3 naman ay ang pagkumpleto ng Building II at iba pang kaugnay na proyekto at may pondong ₱30 milyon din.

Dagdag pa ni Engr. Manuel, kakailanganin pa ng karagdagang ₱20 milyon para sa Phase 4 upang mas makompleto ang proyekto.

Saad pa niya na ang buong pasilidad ay may sukat na 2,000 square meters at dekalidad ang mga ginamit na mga materyales na tiniyak nilang hindi madaling kalawangin.

Magsisilbi itong event center para sa mga residente ng Dagupan at inaasahang makaakit ng mas maraming turista.