Dagupan City – Isinalarawan ng isang overseas Filipino worker at Bombo International News correspondent sa Nepal ang nakalulunos na kalagayan sa bansa matapos ang malawakang flash flood na nanalasa sa ilang lugar sa Nepal at sa border nito sa Tibet.
Ayon kay Marivic Alonzo Gurung, patuloy ang rescue operations at paghahanap sa mga nawawalang indibidwal. Aniya, maraming kalsada ang hindi na madaanan dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng baha at mudslide.
Sinabi ni Gurung na biglaan ang insidente dahil mabilis na pumasok ang tubig sa border area, kaya marami ang hindi agad nakapaghanda.
Nauna na rin umano niyang ibinahagi na mapanganib ang trekking sa ilang bahagi ng Nepal, subalit patuloy pa rin itong dinarayo ng mga turista.
Ayon kay Gurung, 30 taon na siyang naninirahan sa Nepal, ngunit ito umano ang isa sa pinakamalalang kalamidad na kanyang nasaksihan.
Bagama’t karaniwan sa Nepal ang pagtaas ng tubig, hindi umano pangkaraniwan ang ganitong kalawakang pagbaha.
Batay sa ulat, hindi bababa sa 160 katao ang kumpirmadong nasawi, habang daan-daan pa ang nawawala matapos hagupitin ng dambuhalang flash flood ang ilang nayon sa Nepal at sa border nito sa Tibet.
Dahil dito, nanawagan si Gurung sa mga residente at mga nasa apektadong lugar na maging maingat at manatiling alerto sa anumang pagbabago sa lagay ng panahon.
Hinikayat din niya ang lahat na patuloy na manalangin, lalo na sa mga panahong biglaan at hindi inaasahan ang ganitong uri ng kalamidad.










