DAGUPAN,CITY—Nanawagan ang isang OFW na tubong Villasis, Pangasinan na makauwi sa bansa matapos makaranas ng sexual harassment mula sa pamangkin ng kaniyang dating employer sa Kingdom of Saudi Arabia.

Ang nabanggit na OFW ay si alyas “Jairalyn”, 24 anyos at tubong barangay Barangobong sa nabanggit na bayan at siyam na buwan ng namamasukan bilang cook at domestic helper sa nabanggit na bansa.

Sa kanyang social media account, inilabas nito ang kanyang kahilingan na marepatriate o makauwi na sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang petisyon.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Fernando Fernandez, hepe ng Villasis PNP, ibinahagi nito na batay umano sa sumbong ng biktima, nakaranas ito ng pang-aakit, panghihipo, at hinahawak-hawakan ang maseselang parte ng katawan ng pamangkin ng kaniyang dating employer. Ngunit sa kabutihang palad naman umano ay hindi ito ginahasa.

Dagdag pa ni Fernadez, inilapit ang naturang insidente sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Villasis kung kaya’t agad naman nila itong inaksyunan.

Aniya, nakikipag-uganayan na ang kanilang tanggapan sa tulong ng Public Employment Service Office (PESO) para ireport sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Rosales upang matugunan ang nangyari sa kanilang kababayan kung saan nagbigay na rin ang naturang tanggapan ng letter of request sa recruitment agency na nagpadala sa kanilang kababayan para matulungan ang biktima na makauwi na ng bansa.