Dagupan City – Binigyang-diin ng Office of the Provincial Agriculture (OPA) ang isinagawang tree planting activity sa loob ng Capitol Compound at hinikayat ang publiko na hintayin munang makumpleto ang proyekto bago ito husgahan.
Ayon kay Dr. Albin Soriano, Technical Staff ng Office of the Provincial Agriculture, bahagi ng master plan ng pamahalaang panlalawigan ang isinagawang pagpapalit ng mga hindi na angkop na punong-kahoy ng mga bagong itinanim na seedlings.
Iginiit ni Soriano na ang lahat ng development sa Capitol ay isinasagawa para sa ikabubuti ng kapitolyo at ng lalawigan.
Aniya, inaasahang magkakaroon ng malaking pagbabago sa lugar kapag ganap nang naipatupad ang proyekto.
Dagdag pa niya, may mga nakatalagang personnel na mangangalaga sa mga bagong tanim na puno upang matiyak ang wastong paglalagay ng pataba at iba pang kinakailangang pangangalaga para sa kanilang paglago.
Inaasahan din aniya na sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon ay magiging matatag at mataas ang tsansang mabuhay ang mga itinanim na puno.
Ipinaliwanag ni Soriano na ito pa lamang ang unang yugto ng pagtatanim ng mga native trees, na siyang pangunahing layunin ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng programa.
Aniya, hindi lamang sa Capitol isinasagawa ang naturang tree planting activity kundi maging sa iba pang bahagi ng lalawigan.










