Dagupan City – Naglaan ang Office of the President (OP) ng P50 milyon bilang agarang tulong pinansyal para sa lalawigan ng Pangasinan upang suportahan ang recovery at rehabilitation efforts matapos ang matinding pinsalang idinulot ng Super Bagyong Uwan.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, ilalaan ang pondo sa mga residenteng labis na naapektuhan, partikular sa mga coastal LGUs na kinabibilangan ng San Fabian, Dagupan, Lingayen, Binmaley, Labrador, at Sual, na tinukoy bilang mga lugar na nangangailangan ng agarang recovery implementation program.
Sinabi ni Lambino na bahagi ang pondo ng isinasapinal na action plan ng provincial government, na kinabibilangan ng mga programang nakatuon sa: rehabilitasyon ng mga kabahayan; tulong para sa mga apektadong mangingisda at sektor ng aquaculture; at pagsuporta sa mga nawalan ng kabuhayan dahil sa pananalasa ng bagyo.
Samantala, nagsusumite na rin ng kaniya-kaniyang ulat ang mga lokal na pamahalaan ukol sa lawak ng pinsala sa kanilang mga nasasakupan, kabilang ang sektor ng agrikultura.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang data validation upang matiyak ang eksaktong bilang ng mga dapat makakuha ng tulong.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Lambino na mas mababa ang pinsala sa imprastruktura kumpara sa iniulat na P1.3 bilyong danyos sa sektor ng agrikultura.










