Dagupan City – Nagpapatuloy ang Office of Civil Defense Region 1 (OCD R1) sa mga isinasagawang hakbang bilang hahandan sa lindol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Director Laurence E. Mina, Regional Director ng Office of Civil Defense Region 1 (OCD R1), sinabi nito na hindi maaaring mahulaan o makontrol ang paggalaw ng lindol kaya’t mahalagang manatiling handa ang mga mamamayan.
Kaya’t kabilang sa mga isinasagawang hakbang ng OCD R1 ay ang quarterly Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) upang sanayin ang publiko sa tamang aksyon tuwing may pagyanig.
Sa katunayan aniya, inatasan na rin ang mga Local Government Units (LGUs) at mga ahensya ng gobyerno na i-update ang kanilang contingency plans, resources, at evacuation centers.
Bahagi rin ng direktiba ang pagtukoy ng ligtas na open area o campsite na maaaring paglikasan sakaling masira ang mga kasalukuyang evacuation sites.
Dagdag pa rito ang information at education campaign sa iba’t ibang plataporma upang mapalawak ang kaalaman ng publiko sa mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng lindol.
Dito na niya binigyang-diin din ang kahalagahan ng tamang pagsunod sa Drop, Cover, and Hold o DCH bilang pangunahing hakbang sa oras ng lindol.
Kailangang manatiling kalmado, protektahan ang ulo at leeg, at hintayin munang huminto ang pagyanig bago lumikas sa ligtas na lugar.
Kabilang sa mga lugar na binabantayan sa Region 1 ay ang mga coastal area na sakop ng Manila Trench mula Taiwan hanggang Mindoro, kung saan naitala ang 35 hanggang 39 tremors bawat araw noong nakaraang Disyembre.
Binabantayan din ang West Ilocos Sur Fault system, Abra Fault, Tubao at Pugo Faults sa la Union, at San Manuel Fault sa Pangasinan.