Dagupan City – Nagpapatuloy ang Office of Civil Defense Region 1 (OCD R1) sa mga isinasagawang hakbang bilang hahandan sa tsunami.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Director Laurence E. Mina, Regional Director ng Office of Civil Defense Region 1 (OCD R1) sinabi nito na hindi maaaring mahulaan o makontrol ang paggalaw ng tsunami kaya’t mahalagang manatiling handa ang mga mamamayan.
Ngunit sa kabila nito, natukoy naman na ang mga barangay sa Region 1 na malapit sa baybayin at maaaring maapektuhan sakaling magkaroon ng malakas na lindol.
Dahil dito, nagbabala rin si Mina na kapag may naramdamang malakas na pagyanig, dapat agad na lumikas patungong mataas na lugar sa loob ng sampung minuto upang makaiwas sa posibleng tsunami.
Pag-amin ni Mina, nananatiling hamon sa OCD at mga ahensya ng gobyerno ang pagsunod ng publiko sa mga paalala ng mga otoridad.
Marami pa rin ang nag-aatubiling kumilos hangga’t hindi nakikita ang panganib.
Kaya nananawagahan ang OCD R1 sa lahat na makinig at sumunod sa mga abiso ng mga kinauukulan.
Pinaalalahanan din ni Mina ang publiko na magkaroon ng go bag na naglalaman ng tubig, pagkain, flashlight, pito, cellphone, extra battery, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa hindi bababa sa tatlong araw matapos ang sakuna.