Naghatid ng karagdagang tulong ang Office of Civil Defense (OCD) Region I sa mga residenteng naapektuhan ng patuloy na pagbaha sa Dagupan City, kabilang ang hygiene kits at suplay ng tubig para sa mga pamilyang nangangailangan.

Ayon kay ASEC Lawrence E. Mina, Acting Regional Director ng OCD Region I, bahagi ng isinagawang distribution ang pagpapatuloy ng nakatakdang pagbisita ng Pangulo sa Pangasinan na hindi natuloy dahil sa iba pang mahahalagang gawain at kondisyon ng panahon. Sa halip, ipinagpatuloy ng mga kinatawan ng pamahalaan ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.

Isa sa mga binigyang-pansin ng OCD ang kakulangan sa suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Dagupan, kaya kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang bottled water at hygiene kits. Nauna ring nagsagawa ng assessment at monitoring ang OCD sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan, kabilang ang Dagupan City, Calasiao, Sta. Barbara, Lingayen at Bugallon, upang matukoy ang mga pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha.

--Ads--

Binigyang-diin ni Mina ang kahalagahan ng heightened readiness ng mga responder, local government units at mga residente habang nagpapatuloy ang mga pag-ulan na dulot ng mga weather disturbance at southwest monsoon o Habagat. Dahil saturated na ang lupa sa maraming lugar, maaari umanong magdulot ng pagbaha kahit ang panibagong malakas na pag-ulan o thunderstorms.

Kaugnay nito, patuloy na isinasagawa ng mga miyembrong ahensya ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) upang bumuo ng mga posibleng senaryo at matukoy ang kinakailangang paghahanda bago lumala ang sitwasyon. Kabilang sa nakikibahagi rito ang DSWD, DILG, DPWH, DepDev, DOST at iba pang partner agencies.

Ayon kay Mina, mayroon nang tinatayang ₱45 milyon halaga ng relief supplies ang OCD na maaaring agad ipamahagi sa mga apektadong komunidad. Kabilang dito ang hygiene kits, tubig, shelter repair kits at sleeping kits na nakalaan para sa agarang pangangailangan ng mga biktima sa unang tatlo hanggang limang araw. Mayroon din namang karagdagang food assistance mula sa DSWD.

Samantala, kabilang sa mga nakatanggap ng tulong si Erlinda Carbonnel, residente ng Herrero-Perez, na nakaranas ng pagbaha sa kanilang lugar nang halos dalawang linggo. Dahil sa mataas na tubig, kinailangan nilang manatili sa evacuation area bago makabalik sa kanilang tahanan nang bahagyang bumaba ang tubig.

Nakatanggap din ng tulong si Gemma Garcia, residente ng Mayombo, kung saan nananatiling mataas ang tubig sa ilang bahagi ng barangay. Dalawang linggo ring nanatili sa paaralan ang kanilang pamilya bilang evacuation area bago sila nakabalik sa kanilang komunidad. Dahil sa pagbaha, naapektuhan din ang kanilang kabuhayan at trabaho.

Patuloy namang hinihikayat ng OCD Region I ang publiko na makinig at sumunod sa mga opisyal na abiso ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya. Mahalaga rin ang agarang pagsasagawa ng nararapat na hakbang batay sa mga science-based weather information upang maiwasan ang karagdagang panganib habang nagpapatuloy ang mga pag-ulan at pagbaha.