Pinaigting ng mga local government unit (LGU) sa Pangasinan ang kanilang paghahanda at pagtugon sa patuloy na pag-ulan at pagbaha sa lalawigan, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Region I.


Ayon kay Freddie C. Evangelista, Information Officer ng OCD Region I, naging mas maagap at organisado na ang koordinasyon ng mga LGU sa panahon ng kalamidad. Patuloy ang pag-iikot ng mga Disaster Risk Reduction and Management Office at Services sa mga kritikal na lugar upang matukoy ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng mataas na lebel ng tubig.


Hinikayat ng OCD ang mga residente sa flood-prone at low-lying areas na huwag hintaying lumala ang sitwasyon bago lumikas. Mahalaga ang maagang paglikas at pagsunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang panganib sa buhay.

--Ads--


Patuloy din ang koordinasyon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga LGU at partner agencies, kabilang ang Department of Social Welfare and Development, para matiyak ang pagkakaroon ng food at non-food items para sa mga residenteng maaaring mangailangan ng tulong.


Kasabay nito, hinikayat ang publiko na manatiling mapagmatyag at regular na subaybayan ang radyo, telebisyon at iba pang lehitimong information platforms upang makakuha ng napapanahong impormasyon tungkol sa lagay ng panahon, pagbaha at iba pang panganib sa kanilang lugar.


Nanawagan ang OCD Region I sa lahat ng residente na magtulungan, maging handa at agad tumugon sa mga abiso ng awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat komunidad.