DAGUPAN CITY–Hinikayat ng Office of the Civil Defense Region 1 ang publiko na makiisa sa pag-obserba sa National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo.

Kahapon ay inilunsad na ang National Disaster Resilience Month sa gitna ng Bagong Normal.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mike Aldrin Sabado, tagapagsalita ng Office of the Civil Defense o OCD region 1, kahit walang mga pilot activities, ang LGU na mismo ang nagsagawa ng inisyatibo para mailunsad ang programa na naglalayong maihanda ang mga kababayan sa pagtugon sa mga kalamidad.

--Ads--

Dati aniya ay may mga nakalatag na aktibidad ukol sa disaster preparedness pero hindi nagawa ngayon ang nasabing aktibidad dahil sa covid-19 pandemic.

Ayon pa kay Sabado, kung dati ay may relief operation at nagpuputa sila ng mga komunidad o bayan bayan o kabahayan pero sa ngayon ay titignan nila kung paano ito isasagawa dahil sa pandemya.

Sa ngayon ay pinag aaralan nila kung paano isasagawa ang mga aktibidad na walang masyadog kontak sa ibang tao.

Tiniyak naman nito na pinaghahandaan na ng kanilang tanggapan ang panahon ng tag ulan, gayundin ang posibleng pagkakaroon ng lindol at pagguho ng lupa.

Tuloy-tuloy naman ang paghikayat nila sa publiko na maging handa sa mga posibilidad na mangyari.

Dagdag pa nito, upang maiwasan ang pagkahawa sa coronavirus, hindi gagamiting evacuation center ang mga quarantine facilites na pinaldalhan sa mga dinapuan ng nasabing virus.