Tiniyak ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1 na handa ang kanilang ahensya sa pagdagsa ng mga biyahero at bumibisitang pamilya sa mga sementeryo ngayong paggunita ng Undas 2025.

Sa panayam kay OCD Regional Director Lawrence Mina, sinabi niyang naka-activate na ang Emergency Operations Center ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Region 1 para sa 24/7 monitoring sa buong Ilocos Region.

Layunin nito na agad makapagbigay ng tugon sakaling magkaroon ng hindi inaasahang insidente.

--Ads--

Ayon kay Mina, ang mga miyembro ng ahensya ng RDRRMC ay may kanya-kanyang programa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa kanilang mga aktibidad ngayong Undas.

May mga prepositioned personnel at koordinasyon din sa mga local government units (LGUs) upang mapaayos ang daloy ng trapiko at mabilis na makaresponde sa anumang insidente.

Pinaalalahanan din ni Mina ang publiko na planuhin nang maigi at maaga ang pagbiyahe at pagbisita sa sementeryo, magdala ng tubig at payong bilang proteksyon sa init o ulan, at agad i-report sa mga lokal na awtoridad ang anumang kahina-hinalang sitwasyon o aksidente.

Giit ni Director Mina, mahalaga ang disiplina at pasensya sa mga ganitong panahon upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa buong Region 1 habang ipinagdiriwang ang Undas 2025.