Nagsagawa ng pre-disaster risk assessment (PDRA) ang Office of Civil Defense (OCD) Region 1 kahapon bilang paghahanda sa posibleng epekto ng paparating na bagyong Uwan sa Ilocos Region.

Ayon kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng OCD Region 1, layunin ng pagsusuri na matiyak ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) upang agad matukoy ang mga angkop na hakbang at tulong para sa mga apektadong residente.

Batay sa inisyal na ulat, may 19 barangay sa rehiyon ang natukoy na susceptible sa landslide at pagbaha.

--Ads--

Gayunpaman, sinabi ni Pagsolingan na maaaring madagdagan pa ang mga lugar na maaapektuhan habang patuloy na nagbabantay ang ahensya sa paggalaw ng bagyo.

May posibilidad din ng storm surge at coastal flooding sa ilang bahagi ng Northern Luzon, kaya pinag-iingat lahat, lalo na sa mga baybaying barangay.

Bagaman wala pang tiyak na mga coastal areas na tinukoy na maaaring makaranas ng storm surge, nananatiling alerto ang OCD-Region 1 at mga katuwang nitong ahensya.

Tiniyak din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa silang magbigay ng food at non-food items para sa mga pamilyang mangangailangan ng tulong at augmentation.

Bilang paalala, hinikayat naman ni Pagsolingan ang publiko na patuloy na magmonitor ng mga balita at abiso ng mga awtoridad, maghanda ng go bags na naglalaman ng mahahalagang kagamitan, at sumunod sa mga ipatutupad na pre-emptive evacuation para sa kaligtasan ng lahat.