Hinimok ng Officer of Civil Defense (OCD) Region 1 ang publiko na palaging maging alerto at handa sa harap ng mga sakuna, lalo na sa posibilidad na lindol at pagbaha, ayon kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer OCD Region 1.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Pagsolingan na patuloy ns mino-monitor ng OCD ang lahat ng lalawigan sa Region 1 upang masiguro ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng malakas na ulan, landslide, at pagbaha.

Ipinabatid din ni Pagsolingan na gaganapin sa Nobyembre 6, 2025 ang 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill, na may pambansang seremonya sa bayan ng Sta. Catalina, Ilocos Sur.

--Ads--

Layunin nitong sanayin ang publiko sa wastong pagtugon sa lindol sa pamamagitan ng “duck, cover, and hold”.

Dagdag pa niya, mas napapansin na ngayon ang pagtaas ng kamalayan ng mga mamamayan dahil sa regular na earthquake drills.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na iwasan ang tinatawag na Triangle of Life technique, at sundin na lamang ang mga itinataguyod ng DOST-PHIVOLCS para sa kaligtasan.

Payo ni Pagsolingan, dapat maghanda ng go bag na naglalaman ng pagkain, tubig, mahahalagang dokumento, pera, at iba pang pangangailangan sakaling kailanganing lumikas.

Hinihikiyat din ang lahat na alamin ang mga evacuation routes sa kanilang lugar.