Dagupan City – Hinikayat ng Office of the Civil Defense Ilocos Region 1 ang publiko na maging bukas ang kaalaman sa mga dapat gawin sa banta ng Tsunami.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adreanne Pagsolingan, Spokesperson ng Office of the Civil Defense Region 1, ito’y matapos na nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng dose-dosenang lindol na ang naitala na tumama sa West Philippine Sea, malapit sa probinsya ng Ilocos Sur.
Kung saan ang pinakamalakas sa mga lindol na ito ay ang isang magnitude-5.0 na tumama noong disyembre 19 at nagdulot ng mahinang pagyanig sa ilang bahagi ng Ilocos Sur.
Kung kaya’t patuloy aniya ang kanilang ginagawang hakbang upang makagawa ng mga contingency plans na ipatutupad ng ahensya. Isa na nga rito ang dalawang scenario na nakikita na mangyayari gaya na lamang ng pagpapatuloy ng tectonic activities, o ang pagpapatuloy ng mga paglindol at posibleng magdulot naman ng mas malakas na lindol na siyang magdudulot ng tsunami.
Dagdag pa ang tatlong senyales nito gaya na lamang ng naitalang lindol, unusual na paglapit ng tubig sa pampang at ang tunog din na pag-ugong nito.
Nauna nang nilinaw ni Pagsolingan na hindi nila nais magbigay ng alarma sa publiko, bagkos ay nais lamang nilang bigyang kamalayan ang mga ito sa mga impormasyon at kaalaman na dapat tandaan kung sakaling mangyari ito sa hindi inaasahang pagkakataon.