Patuloy ang isinasagawang rapid damage assessment ng Office of the Civil Defense (OCD) kasama ang mga member agencies sa mga lugar sa Rehiyon Uno na naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
Ayon kay Laurence Mina, Regional Director ng OCD Region 1, batay sa kanilang paunang tala, pinaka-apektado ng Bagyong Emong ang mga lalawigan ng La Union at Pangasinan.
Tinatayang umabot sa mahigit P3 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, na kinabibilangan ng mga kalsada, tulay, at iba pang pasilidad ng pamahalaan.
Samantala, umaabot naman sa P1.072 bilyon ang naitalang pinsala sa mga eskwelahan. Kabilang dito ang humigit-kumulang 650 silid-aralan na bahagyang nasira at 380 silid-aralan na tuluyang napinsala.
Ayon pa kay Mina, nagkaroon na ng pagpupulong ang OCD kasama ang mga ahensiyang kasapi gaya ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Agriculture (DA) upang masusing suriin ang lawak ng pinsala at ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong lugar.
Ito ay magiging batayan ng kanilang initial planning para sa mabilis na recovery at rehabilitasyon.