DAGUPAN CITY- Pormal nang inilunsad sa lalawigan ng Pangasinan ang selebrasyon ng Nutrition Month, sa pangunguna ng National Nutrition Council (NNC) Region 1, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan (LGU).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jeffrey Peralta, Project Development Officer I ng NNC Region 1, sinabi nitong naging makulay ang pagbubukas ng buwan ng nutrisyon sa pamamagitan ng Nutri Parade at Nutri Float Contest.
Tampok din sa aktibidad ang mga Kadiwa booths na inilunsad sa tulong ng Department of Agriculture Region 1 at iba pang partner agencies.
Nagkaroon din ng Nutrition Month Press Conference na dinaluhan ng mga media partners upang higit pang maiparating sa publiko ang kahalagahan ng wastong nutrisyon.
Ayon naman kay Shamrock Bas-ilan, Nutrition Officer II ng NNC Region 1, marami nang inisyatibo ang kanilang tanggapan upang maiparating ang mensahe ng kampanya sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Binanggit din niya ang malaking papel ng mga LGU sa pagpapatupad ng nutrition action plans, na layuning labanan ang malnutrisyon sa kani-kanilang mga nasasakupan.