DAGUPAN CITY- Pumasa at nagtala ng mataas na marka sa Nurse Licensure Examination (NLE) ang isang nursing graduate mula Urdaneta City University at tubong Rosales.

Naitala niya ang Rank 8 sa listahan ng mga topnotchers ng NLE ngayong Mayo 2025.

Si Rose Sheilla Mae Domingo ay nagtapos noong 2024 at unang nagbalak kumuha ng board exam noong Nobyembre ng parehong taon.

--Ads--

Dahil sa karamdaman at pagsasaalang-alang sa kanyang kalusugan, nagpasya siyang ipagpaliban muna ang pagsusulit at nagpatuloy sa paghahanda sa pamamagitan ng online review classes.

Habang nag-aaral, nakaranas siya ng matinding pagod at pakiramdam ngpag-iisa.

Sa kabila nito, naging inspirasyon niya ang mga kwento ng tagumpay na nakikita sa social media.

Matagal na rin siyang kinikilala ng mga clinical instructor bilang isa sa may potensyal na makapasok sa Top 10, bagay na nagsilbing motibasyon sa kabila ng kanyang pagdududa sa sarili.

Hindi inaasahan ni Domingo na makakapasok siya sa listahan ng mga topnotchers.

Ayon sa kanya, una niyang nalaman ang resulta mula sa mga kakilala matapos hindi agad mabuksan ang PRC website.

Bilang mensahe sa mga kasalukuyang nursing students, ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagtitiwala sa proseso at pagbabalik-tanaw sa orihinal na layunin—ang maging instrumento sa pagliligtas ng buhay.