Pag-aaralan pa ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) kung ano ang kanilang magiging sunod na hakbang matapos ang pagkakadawit sa inilabas na “Oust Duterte” matrix.
Ito ang inihayag ni NUPL NCR Secretary General Atty. Maria Kristina Conti sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan. Aniya, kailangan nilang pag-aralan at intindihin muna kung ano ang nais iparating sa kanila ng administrasyon lalo na’t mismong Pangulo at ang tagapagsalita nito ang nagdidiin sa NUPL.
Sinabi nito na sa ngayon ay hindi pa sila kakasuhan ng Malakanyang dahil naniniwala silang inimbentong kasinungalingan lamang ito. Maaari aniya itong maging basehan ng cyber libel dahil sa paninira hindi lamang sa isang institusyon kundi sa halos 20 personalidad na maayos na ginagawa ang kanilang tungkulin.
Ayon kay Conti, hindi na sila magugulat kung may mamatay man na miyembro nila o siraan sa social media at sa publiko.
Mababatid na banner story nitong Lunes ng Manila Times ang umano ay istorya ukol sa malakihang planong patalsikin sa puwesto si Duterte, na isinulat ni Manila Times chairman emeritus Dante Ang. Kasama sa mga idinawit si Ellen Tordesillas ng Vera Files, media organizations na Rappler, at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), at grupo ng mga abogado na National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL). Iniuugnay din ng matrix ang mga nabanggit kay “Bikoy,” ang personalidad na nasa likod ng mga viral video na nag-akusa sa ilang miyembro ng pamilya Duterte na nakikinabang umano sa mga sindikato ng droga. with reports and interview from Bombo Badz Agtalao and Bombo Bogs Toribio