BOMBO DAGUPAN — Undemocratic at hindi dapat umiiral sa isang demokratikong bansa.

Ito ani Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) Chairperson Fernando “Andy” Hicap ang dahilan ng kanilang pakikiisa sa mga grupong nananawagan na tuluyan ng buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, idiniin nito na ang layunin ng nasabing task force ay nakatutok sa pagbuwag sa mga lehitimong organisasyon na nagtataguyod sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino.

--Ads--

Aniya na hindi isang simpleng usapin at bagay ang nangyayaring red-tagging at extrajudicial killings na nananaig magpahanggang sa kasalukuyang administrasyon, partikular na laban sa mga tumitindig at nagtataas ng mga isyung kinakaharap ng mga mamamayang Pilipino.

Isa na nga rito ang kanilang grupo at iba pa na ngayon ay isinusulong ang mga pagkilos upang himukin ang gobyerno na gumawa ng pangmatagalang solusyon sa isyu sa West Philippine Sea at maging ang nagpapatuloy na Reclamation Project sa mga coastal area.

Kaya naman ay kinikilala nila aniya ang mosyon ng Korte Suprema na inilalagay ng red-tagging, vilification, labeling, at guilt by association ang buhay ng isang individwal at grupo ng mga indibidwal hindi lamang sa panganib, subalit nilalabag din ng mga ito ang karapatan ng mamamayan sa buhay, kalayaan, at seguridad.

Saad nito na nilegalisa ang mga bagay na hindi dapat umiiral sa isang demokratikong bansa at dahil dito ay labis na nailalagay sa panganib ang buhay ng mga miyembro ng mga lehitimong organisasyon, mga aktibista, at mga lider na nangunguna sa pagtataguyod ng karapatan ng taumbayan.

Dagdag pa nito na wala ring anumang nangyaring pagbabago sa mga naitatalang red-tagging, vilification, labeling, at extrajudicial killing noong nakaraang administrasyon kumpara sa kasalukuyan kung saan nananaig pa rin ang NTF-ELCAC na nagiging justification na para sa paglabag sa mga karapatang pantao.