Dagupan City – Nagpaalala ang National Telecommunications Commission (NTC) Ilocos Region sa mga empleyado ng gobyerno na mag-ingat laban sa text scams, phishing, at iba pang online fraud habang papalapit ang paglabas ng mid-year bonus na inaasahang hindi mas maaga sa Mayo 15.
Ayon sa NTC-Ilocos, sinasamantala ng mga scammer ang panahon ng inaasahang dagdag sahod sa pamamagitan ng pekeng mensahe na kunwari ay galing sa bangko, e-wallet, o ahensya ng gobyerno.
Binalaan ang publiko na huwag basta mag-click ng link o magbigay ng sensitibong impormasyon tulad ng OTP, account number, o login details.
Ipinakilala rin ang B.I.R.D. strategy na Block, Ignore, Report, at Delete bilang gabay laban sa scam.
Hinikayat din ang paggamit lamang ng opisyal na website at kumpirmasyon sa mga bangko para sa seguridad ng transaksyon.










