Dagupan City – ‎Nagsimula nang magsaayos ang North Central Elementary School sa Bonuan Gueset Dagupan City bilang paghahanda sa Brigada Eskwela na itinakda mula Hunyo 9 hanggang 13.

Ayon kay Dr. Agape M. Nabua – School Principal ng paaralan, layunin ng maagang pagsasaayos na mapagaan ang trabaho sa mismong linggo ng brigada at mapaghandaan nang maayos ang pagbubukas ng klase.

Ang mga guro ay kusa nang inaayos ang kani-kanilang mga silid-aralan upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng mga mag-aaral pagdating ng pasukan.

Kasama sa mga pangunahing gawaing nakalinya ang pagsasaayos ng mga nasirang kisame na tinamaan ng bagyo noong nakaraang taon. Ilan sa mga ito ay inaagnas na kaya’t kailangang kumpunihin upang maiwasan ang disgrasya. Isasabay din ang pagpipintura ng mga silid at pasilidad ng paaralan para maging mas kaaya-aya ang kapaligiran sa pagbabalik ng mga estudyante.

Sa panawagan ng pamunuan, bukas ang paaralan sa mga gustong tumulong mapa magulang, alumni, at mga partner sa komunidad upang mapabilis at mas maging matagumpay ang Brigada Eskwela ngayong taon.

Sa pagsisimula ng pasukan, layunin ng North Central Elementary na sa pagbabalik ng mga estudyante at mas makapagbigay ng ligtas, maayos, at masiglang lugar para sa bawat batang mag-aaral.