BOMBO DAGUPAN– Matagal na umanong derektiba ng Department of Education ang ‘No Collection Policy’ tuwing pagtatapos ngunit hindi naman laging sinusunod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Willy Rodriguez, President ng National Parent Teachers Association Philippines, marami na silang natatanggap na mga reklamo mula sa mga magulang patungkol rito, subalit patuloy pa rin umanong sinasabi ng mga eskwelahan na nagboboluntaryo ang mga magulang.
Aniya, hindi naman binibigay ng mga principal ang P250 na Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa mga graduating student ngunit may karagdagan pa silang sinisingil.
Kabilang umano sa mga sinisingil ay ang graduation picture, at kung hindi naman makapagbayad ay hindi naman umano makaka-graduate ang estudyante.
Binigyan linaw niya na nakapaloob sa DepEd guidelines ang P250 MOOE upang gamitin sa graduation ng mga magsisipagtapos.
Sa ilan taon nang problema ito, marami pa aniya ang nakakalusot dahil mananakot pa aniya ang mga kinauukulan ng paaralan na walang magaganap na seremonya ng pagtatapos.
Gayunpaman, sinabi ni Rodriguez na ‘walang kwenta’ ang kaparusahan na ipinapataw ng ahensya ng edukasyon batay sa Department Order no. 49.
Umaabot pa kase ng 7 taon ang pagrereklamo at 3 buwan bago magkaroon ng hearing.
Kaugnay nito, wala din aniyang nangyayaring aksyon mula sa kinauukulan sa tuwing nagpapadala sila ng report ng mga reklamo.
Sa kabilang dako, sinasang-ayunan ni Rodriguez ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik sa Old School Calendar ang pagpasok ng mga guro at estudyante.