Ipinagdiriwang ngayong Biyernes, Agosto 21, 2026, ang Ninoy Aquino Day, isang special non-working holiday na ginugunita bilang pag-alala sa dating senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ang petsa ay opisyal na kasama sa listahan ng mga special non-working holiday ngayong 2026 sa ilalim ng Proclamation No. 1006 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinatay si Aquino noong Agosto 21, 1983, sa dating Manila International Airport, ilang sandali matapos siyang bumalik sa Pilipinas mula sa halos tatlong taong pagkakatapon sa Estados Unidos.
Ang kanyang pagpaslang ay nagdulot ng malawakang galit ng publiko at nagpalakas sa oposisyon laban sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ang lumalakas na kilusan ay humantong kalaunan sa 1986 EDSA People Power Revolution, na nagwakas sa mahigit dalawang dekadang pamumuno ni Marcos Sr.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9256, na nilagdaan noong 2004, itinakda ang Agosto 21 bilang Ninoy Aquino Day at national non-working holiday.
May mga pagkakataong inililipat ang paggunita sa ibang petsa sa pamamagitan ng presidential proclamation. Noong 2024, halimbawa, inilipat ito sa Agosto 23 upang magkaroon ng mas mahabang weekend at maisulong ang domestic tourism.
Para sa taong 2026, ibinalik ang paggunita sa tradisyonal na petsa nitong Agosto 21, na nagbibigay sa mga Pilipino ng three-day weekend hanggang Agosto 23.
Bilang isang special non-working holiday, karaniwang umiiral ang “no work, no pay” policy para sa mga empleyadong hindi papasok, maliban kung may polisiya ang kumpanya o probisyon sa collective bargaining agreement.
Para naman sa mga papasok sa trabaho ngayong holiday, may karagdagang 30% ng basic wage para sa unang walong oras ng trabaho. May ibang computation naman kung ang holiday ay tumapat sa rest day o kung may overtime.
Ang Ninoy Aquino Day ay hiwalay sa National Heroes Day, na ngayong taon ay gugunitain sa Agosto 31 bilang regular holiday. | via Bombo John Florez










