DAGUPAN CITY– Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang Nigerian national matapos nitong labagin ang ipinatupad na smoking ban sa lungsod ng Dagupan, Pangasinan.

Ito ay sa kadahilanang sa halip na sumuko ay nag-amok pa ito matapos arestuhin ng mga kawani ng Public Order and Safety Office ng Dagupan.

Ayon sa impormasyon , ang nasabing dayuhang lumabag ay nagngangalang Emmanuel Ndukwe, 30 anyos at nangungupahan sa Brgy. Herrero Perez.

--Ads--

Lantaran umano nitong nilabag ang umiiral na patakaran sa lungsod patungkol sa pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Unang sinita ang dayuhan nang mahuli ito ng isang clean marshall na naninigarilyo habang naglalakad sa gilid ng daan sa MH Del Pilar St., Mayombo District, dahilan upang mag-init ang ulo ng naturang dayuhan.

Matapos itapon ang hawak nitong sigarilyo ay suntok sa balikat at tulak ang inabot ng clean marshal na sumita dito. Dahilan, naman upang magkainitan ang dalawa

Humingi naman ng tulong sa pulisya ang mga kasamahan ng marshall ngunit isang kawani ng POSO sa malapit sa lugar ng komosyon ang agad na rumesponde.

Ngunit sa halip na sumuko ay nakipagbuno pa ang dayuhan dahilang upang masira ang 7,000 na halagang radyo ng taga-POSO at 2,000 pisong halaga ng relo ng clean marshall.

Kasong paglabag sa Executive Order No. 26 o Nationwide smoking ban, Resistance to a Person in Authority at Malicious Mischief ang kasalukuyang kinakaharap ngayon ng dayuhan.