Dagupan City – Ibinahagi ng National Intelligence Coordinating Agency Region 1 ang mga hakbang na isinusulong matapos mapabilang sa mga kauna-unahang rehiyong idineklarang insurgency-free sa bansa.
Sa naging panayam kay Reg’l Dir. Plormelinda Olet National Intelligence Coordinating Agency, Region 1, bago pa man ipinatupad ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), nasa higit 70 ang mga aktibong gerilya fronts ng New People’s Army (NPA) sa rehiyon.
Ngunit dahil sa mga hakbang na ipinatupad ng gobyerno at mga ahensya nito, tuluyan nang nawala ang mga nasabing grupo sa lugar.
Gayunpaman, nagbabala si Dir. Olet na bagama’t nadismantle na ang mga gerilya fronts, patuloy pa rin ang tangkang pagrerecruit ng mga makakaliwang grupo sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga kabataan at estudyante.
Kaugnay nito, aktibong ipinatutupad ng NICA ang mga awareness campaigns sa mga paaralan, komunidad, at mga urban areas upang ipaliwanag sa publiko, lalo na sa mga kabataan, ang mga panganib ng maling ideolohiya at panlilinlang ng mga grupo.
Partikular na tinutukan ng NICA ang pagbibigay ng orientation sa mga ROTC cadets upang maging mapanuri sila sa mga indibidwal o grupong nagkukunwaring nangangailangan ng tulong ngunit may masamang layunin.
Ayon kay Dir. Olet, isa sa mga red flags na dapat bantayan ay ang mga taong nagbibigay ng “tulong” ngunit may kapalit na kahina-hinalang aktibidad, gaya ng paghikayat na magpahayag ng galit sa pamahalaan hanggang sa mapasama sa kilusan.
Patuloy ang panawagan ng NICA sa publiko na maging mapagmatyag, magreport ng kahina-hinalang aktibidad, at makiisa sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.