Dagupan City – Nagbabala ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Ilocos Region sa kabataan at mga estudyante laban sa mapanlinlang na paraan ng pagrerecruit ng New People’s Army (NPA), at hinikayat ang publiko na maging mapagmatyag at agad mag-ulat ng mga kahina-hinalang lapit.
Ayon kay NICA Ilocos Regional Director Plormelinda Olet, karaniwang tinatarget ng mga recruiter ang mga kabataang may personal, pinansyal, o akademikong suliranin, gamit ang pakikipagkaibigan at maliliit na pabor upang makuha ang tiwala.
Kalaunan, isinasangkot umano ang mga ito sa mga aktibidad at “immersion” na naglalayong hikayatin silang sumama o maging recruiter.
Kasabay nito, binalaan din ni Olet ang publiko sa pagkalat ng pekeng balita na sinasamantala ng NPA, lalo na sa social media.
Hinikayat niya ang lahat na iverify ang impormasyon at umasa lamang sa pahayag ng mga lehitimong opisyal at awtoridad.
Binigyang-diin ni Olet na mahalaga ang papel ng pamilya, paaralan, pamahalaan, at komunidad sa pagprotekta sa kabataan laban sa radikalisasyon, at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran, lalo na sa Ilocos Region na nananatiling insurgency-free.










