Tinitiyak ng National Food Authority (NFA) Eastern Pangasinan na may sapat na suplay ng bigas sa probinsya upang suportahan ang Benting Bigas program ng gobyerno.

Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan kay Frederick Dulay, Branch manager ng NFA Eastern Pangasinan, pangunahing tungkulin ng sangay ang pamamahala ng suplay ng bigas at pagbili mula sa lokal na mga magsasaka.

Ipinaliwanag ni Dulay na nakatuon lamang ang NFA sa mga stock sa kanilang bodega at hindi sa pamilihan.

--Ads--

Tiniyak din nito na kasalukuyang sapat ang stock ng bigas para sa Benting Bigas.

Ang pamamahagi ng bigas ay base naman sa pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan at ng programa, hindi bawat munisipalidad o barangay.

May kabuuang 14 warehouses ang NFA Eastern Pangasinan: 10 NFA-owned, 2 lease sa Mangaldan, 1 ng provincial government sa Santa Barbara, at 1 lease sa tulong ni Congressman Celeste sa Alaminos.

Ayon kay Dulay, maaaring magdagdag pa ng warehouse kung kinakailangan sa panahon ng anihan.

Nakatuon ang Benting Bigas sa mga vulnerable sectors gaya ng senior citizens, PWDs, at minimum wage earners.

Nakikinabang din ang lokal na mga magsasaka dahil binibili ng NFA ang bigas mula sa Pangasinan.

Ang mga nagnanais mag-avail ng Benting Bigas Merona ay maaaring pumunta sa redemption area sa Rosales, Pangasinan.

Tiniyak ni Dulay na kahit abot-kaya, dekalidad ang bigas.

Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na procurement, maayos na monitoring, at pakikipag-ugnayan sa LGUs, tinitiyak ng NFA Eastern Pangasinan na may sapat na suplay ng bigas para sa mga residente at mga benepisyaryo ng Benting Bigas program.