Mga kabombo! Sabi nga nila, kapag newly wed kayo aba mainit-init at tila nag-uumapaw ang pagmamahal niyo sa isa’t isa.
Ngunit paano na lamang kung hindi maging ganito ang inyong kapalaran?
Isang bagong kasal na mag-asawa kasi sa Bhopal, India, ang nagsimula ng proseso ng diborsiyo.
Ang dahilan? ang paulit-ulit na pagkabigo na pagkasunduin ang kanilang mga alagang hayop sa kanilang tahanan!
Aba! Ayon sa mga source, ang hindi pinangalanang mag-asawa ay unang nagkakilala at naging matalik na magkaibigan dahil sa kanilang hilig sa mga hayop.
Matapos magpakasal at magsama sa isang bahay noong December 2024, doon nagsimulang bumigat ang sitwasyon.
Sinabi ng babae na ang aso ng kanyang mister ay paulit-ulit na ginugulo at inaatake ang kanyang pusa.
Samantala, iginiit naman ng lalaki na nilinaw na niya bago pa man sila ikasal na hindi maaaring dalhin ng babae ang kanyang mga alagang hayop kapag sila ay nagsama.
Idinagdag pa niya na ang pusa ng kanyang misis ay palaging nakabantay sa kanilang aquarium, na lumilikha ng tensiyon sa bahay.
Habang tumatanggi ang misis na isuko ang kanyang pusa at patuloy na inaakusahan ang aso sa pagiging agresibo.
Samantala, kumampi naman ang mister sa kanyang aso, na iginiit na ang pusa ng kanyang asawa ang dahilan ng gulo.
Dahil sa pangyayari, marami ang nagpayo sa dalawa na sumailalim marriage counseling, at sinubukan ng kanilang mga kamag-anak na mamagitan.
Ngunit patuloy na kumakampi ang dalawang bagong kasal sa kanilang mga alagang hayop. Sa huli, nagpasya na sila na magdiborsiyo.