DAGUPAN, CITY – “Balanse ngunit huwag kakalimutan ang pang-aabuso.”

Ito ang komento ng kilalang Hostorian na si Michael Charleston “Xiao” Chua hinggil sa pagtuturo na ang Martial law ay tinawag na “New Society” sa isang module.

Ayon kay Chua na isa rin sa mga kinuhang consultant ng Kagawaran ng Edukasyon bago ilimbag ang mga aralin na ito para sa mga estudyante, dumaan umano ito sa koordinasyon sa mga tulad niyang mga historian at nilinaw na nagamit naman sa tamang konteksto ang terminong “New Society” o bagong lipunan sa mga module ng mga mag-aaral.

--Ads--

Aniya, taliwas sa pangamba ng ilan, nandoon pa rin umano sa mga modules ang mga terminong martial law, batas militar, human rights abuses, diktaturang Marcos.

Tunay naman umano na may mga pang-aabuso sa nabanggit na panahon ngunit hindi rin naman nangangahulugan na wala ring mga magagandang mga nagawa ang naturang administrasyon.

Ang pangamba naman umano sa whitewashing sa mga estudyante ay nakadepende sa kung paano maituturo ng mga guro ang dalawang panig sa nabanggit na kaganapan.

Nararapat na maisantabi ang confirmation bias maging ang politikal na pananaw nang sa gayon ay maipresenta ng maayos ang mga impormasyon sa mga naganap sa Martial Law.