Inihayag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na nagkasundo sila ni U.S. President Donald Trump na anumang pinal na kasunduan sa Iran ay dapat tuluyang magwakas sa umano’y nuclear threat ng Islamic Republic.
Ayon kay Netanyahu, nakausap niya si Trump noong Sabado ng gabi, na una nang inilarawan ng Estados Unidos bilang isang “napakagandang pag-uusap” sa pagitan ng dalawang lider.
Kabilang umano sa kanilang napag usapan ang pagkakasundo na dapat buwagin ang uranium enrichment facilities ng Iran at alisin ang lahat ng enriched nuclear materials mula sa teritoryo nito.
Binigyang-diin ng Israeli Prime Minister na nananatiling pareho ang kanilang posisyon ni U.S. President Donald Trump na hindi dapat pahintulutan ang Iran na magkaroon ng nuclear weapons.
Tinalakay din umano ng dalawang lider ang memorandum of understanding kaugnay ng posibleng muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.
Giit pa ni Netanyahu, nananatiling matatag ang alyansa ng Israel at Estados Unidos, lalo na sa usapin ng seguridad at depensa laban sa mga banta sa rehiyon, kabilang na ang sitwasyon sa Lebanon.
Patuloy namang isa sa sentrong isyu sa internasyonal na usapan ang programang nuklear ng Iran, na matagal nang pinagtatalunan ng iba’t ibang bansa dahil sa pangamba sa seguridad sa Gitnang Silangan.










