Patay ang isang negosyante matapos na pinagbabaril ng isa sa apat na mga holdaper sa lungsod ng San Carlos.

Nakilala ang biktima na si Melchor Caoile, 42 anyos at residente sa nasabing lungsod.
Kasama ng biktima ang kaniyang maybahay na si Jacqueline Caoile, 44 anyos nang mangyari ang hold up incident sa kahabaan ng barangay road ng Sitio Imbo sa Barangay Balayong, sa nasabing ciudad na tinatayang 3 kilometro mula sa himpilan ng kapulisan sa nasabing bayan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad na umalis ang mag-asawa sakay ng kanilang motorsiklo dala ang perang nagkakahalaga ng humigit kumulang 200,000 piso mula sa kanilang bahay patungong barangay Talebaew sa bayan ng Calasiao nang bigla silang tambangan ng apat na nakahelmet na mga suspek lulan ng 2 motorsiklo sa barangay road ng Sitio Imbo at tinutukan ng baril ang mag-asawa.

--Ads--

Nanlaban ang naturang negosyante at sa kasamaang palad ay nagtamo ng maraming tama ng baril sa katawan.

Hindi naman dinamay ng mga suspek ang maybahay nito.

Tinangay ng mga kawatan ang pera at mabilis na nakatakas patungong barangay bolingit sa kaparehong lungsod.

Isinugod ang biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Agad namang inabisuhan ng awtoridad ang mga kalapit na bayan para magsagawa ng dragnet operation habang ang San Carlos PNP ay nagsasagawa na ng hot pursuit operation para madakip ang mga nakatakas na suspek.